Tuesday, August 13, 2013

pusok

Hindi ako mapakali, at sa bawat tingin ko sa kawalan ay hindi nasusuklian. Nakikita ko ang pagkakataon, na sa kasalukuyan ay hindi maabot. Ito'y isang kalayaan sa likod ng malinaw na salamin, nakikita ngunit hindi naabot. Pagkahibang na maituturing kung ito'y aking kausapin at pakinggan.

Sa unang araw ng paglalayag mula sa Inang bayan, hindi pa kita naisip, at sa yugto na ito, halos araw-araw na. Kailangan ng isang maka-kalawakang yapak upang makarating ako sa buwan. Mga sinag lamang ng araw ang bumabati sa akin sa tuwing nawawala ang Venus.

Ang mga dahilan na sa iba'y malinaw at naayon sa tungkulin ay may 'di pagsisiwalat, subalit hindi maituturing na pananakip sa anumang bagay. Ito'y naging totoo, at sa panahon nang makakita ng salamin, katuwaan ang idinulot ng galing natin.

May mga panahong hindi inaasahan tulad ng minsang pagkain sa tabi ng mangga, kasama ang mga uwak at rehas ng daluyang tubig. Ang hatiang nauwi sa kabusugan ng buong loob. Minsang ding dinanas pasanin ang bigat ng aking dala, at sa pagkapagod mo'y akong sumalo.

Minamasid-masid ang kapaligiran at ang mga bagay na sinasabitan ng mga bagay na mala-amorseco. Mga bagay na kumakapit parang lamig at tuwalyang yari sa telang dulot ay pagkahimbing.

Habang iniisip ko ang mga ito, malalayo ang aking nararating. Sapat sa panahong ito.


No comments:

Post a Comment