Friday, August 9, 2013

Malayang mga bahagi

Isang buhos ng damdamin
Sa panahon ng Bio 118 (Entomology), isa sa mga nagmulat sa akin sa kagandahan ng kapaligiran. Isa mga tagong layunin ng BS Biology. Litrato mula kay Ms.Calayag.


Malapit-lapit na rin ang panahon na aalis ako sa UP. Tinaguriang isa sa mga pangalawang-bahay ko, at ngayo'y isa sa mga daan tungo sa isa pang pamamahay. Hindi ko alam kung mapabibilang pa ako sa kahit anong kurso sa UP Manila, pero sa panahon na ito wala pa akong makkwento para doon.

Isang kabadong umaga ang gumising sa akin nang malaman ko na 'di ako tanggap sa mga napili kong kurso (MBB at Bio). Masakit isipin, hindi pa ata lumalabas ang resulta ng ACET. Malaking kahihiyan ang halos 'di pagkatanggap sa paaralan na kinabilangan ng bawat kasapi ng aking pamilya. Ako lang ang maiiba.

Hindi ko din naman ginusto na ipagpatuloy ang pag-aaral sa Ateneo. Banggit ko nga: "Kapag pumasa sa pareho, sa UP nalang ako para apat na taon lang". Natatawa ako kasi iniwasan ko ang limang taon sa kolehiyo. All set na ako para sa UP kung pumasa.

May hatak rin na walang mag-UP sa aking klase sa highschool, mas gusto siyempre na kasama ang barkada sa bagong lilipatan. Naalala ko: Ang Diliman Boys, hango sa Alabang Boys na sikat sa balita noong mga araw na yon. Mga matatalik kong kaibigan na karamay ko sa tahaking Medisina, at may iba din ang hilig.

Ipinaubaya sa mga taong hindi kilala at naghintay ng pasya ng paaralan.

BREAK

Sa unang mga araw, hindi ako mapakali. Hindi ko alam kung paanoo kumilos sa lugar na ito, kasama ang bagong mga kamag-aral. Hindi naman ako nanibago sa mga kapwa babae, sa iba't ibang braket at ang kabuuan ng kulturang UP na hindi ko pa nadadaplisan. Alam ko lang ang mga mahahalagang lugar pag-aaral at kainan, pati na rin kung paano umuwi.

Unti-unti kong natuklasan ang ginahawa at hinagpis sa UP. Marami na ako naramdaman sa Ann Arbor at Ateneo, pero mag-iiba dapat ang lahat. Sa mga madadalas na mataas na marka sa pagsusulit, ngayon ay nagiging isang himala at palaisipan. Malalaman mo nalang na kailangan mo maghirap na 'di gaya ng dati, na halos mag-isa. Naihanda ko na ang sarili ko na magsumikap o tanggapin ang anumang ibabato sa akin ng unibersidad.

Isang kakapit sayo, at sa lahat ng mga estudyante sa UP: pagkamulat. May kaakibat man na galaw o mistulang apathetic trip ay ayos lang. Lahat mararanasan mo, mas buo mas makatotohanan at mas malakas ang bagsak sa iyo. Pasanin mo ang mga eksam na kung dumating ay dala-dalawa bawat araw sa buong linggo. Tiisin mo ang minsang trapik, mahabang pila, mga sistemang sa iyong paningin ay nalutas mo na at nagawan ng solusyon. Katalinuhan ng karamihan, diskarte ng mga magagaling, katangahan sa mga di inaasahan na lugar. Kalat, isyu, readings, kaibigan, pera at kahibangan.

Sa bawat akyat mo, madarama mo ang patuloy na tagumpay at 'di humihinahon na mga agos. Malulunod ka lang kung magpabaya ka, at walang handa na sumalo sayo. Hindi din naman bato ang mga taga-UP, marami ang may paki-alam sayo, subalit wag mo lang sila biguin ng sobra-sobra. Maiiwan at matatangay ng di mo namamalayan.

Ang kasiyahan sa UP makakamit sa sobrang daming paraan. Tuklasin mo dahil hindi makakahon ang paraan at ligayang ito.

Malaki ang dulot ng pagpapalaki sa akin Ateneo, tapatan pa ng paghuhulma para maging sandata, tulay o gabay, marami makakamit at malayo ang mararating ko. Kahit anong kumbinasyon, maraming tagumpay ang mapapadpad kung magsusumikap ka. Sa huling mga araw ko, tunay na nagsusumikap ako at nararamdaman ang pagkabusog. Lipad o bagsak, ito ang bumubuhay sa aking mga panaginip, nagbibigay lakas sa aking mga galaw at nagbibigay ng kahusayan sa pareho.

No comments:

Post a Comment