Monday, August 5, 2013

Ang BIGKAS

Kasalanan ko at hindi ko matandaan ang lahat. Hindi ko naman nakalimutan ang lahat ng aking natutunan, pero ang pagkamit ng kahusayan ay nadaan sa mga ganitong pagsasanay sa Mataas na Paaralan ng Ateneo de Manila.

Bigkas, n.
- isang pagsasanay sa asignaturang Filipino, tumatagal ng humigit-kumulang na isang minuto, nagbibigay ng marka ang guro habang itinatanghal ang piyesa sa harap niya o buong klase
- mga linya binabasa o saulado, minsan biglaang pananalita
- buhat sa sariling gawa, gawa ng kaklase, hugot sa Noli Me Tangere at El Filiusterismo, at salin sa Tagalog ng mga linya ni Makbet at Hamlet

Nabubuo ang pagmamarka sa bawat estudyante sa pamamagitan ng

Lakas - Nararapat ba ang sigaw, bulong o antas ng iyong boses upang marinig ng bawat kasapi ng iyong klase, lalo na ang guro! Ika nga ng mga guro ng kagawaran: "Dapat malakas ang boses na maririnig ng lahat, pati na rin ang mga ayaw makinig, ang nagkukunwari at ang mga tulog!"

Ginhawa - Ipakita mo na hindi ka kinakabahan. Walang mga di kinakailangan na kilos-kamay o papalit-palit ng tayo. Natural  lang dapat, at naayon sa iyong tauhan. Madalas na binabawasan ka kapag binubulsa mo ang iyong kamay, inaayos ang polo, at nilalagay ang kamay sa likod. Saulado mo din dapat ang iyong sasabihin, bawal ang may kodigo! Bawal paputol-putol, o stuttering.

Kulay - Bawal ang robot! Kumbaga hindi ka lang dapat asul, maging maroon o ibang anyo ng asul!

Salita - Malinaw ang bawat pantig. Hindi nakakain ang mga patinig at katinig.

Talab - Ito siguro ang hinuhuli ng mga guro habang hinuhusgahan ang aming maliit na pagtatanghal. Kailangan mo mapagalaw ang mga tao, mapaiyak mo ang siga, mapaisip mo ang tamad at mapasang-ayon ang guro na bigyan ka ng A+.

Ang bigkas na 'di ko makakalimutan habambuhay ay nangyari noong unang taon ko, kay Ser Ron Capinding. Binibigkas ko ang tula ng kamag-aral, na piyesa sa aming sabayang pagbigkas para sa Palig 2005, o yung gawa ko mismo (na hindi nasama sa paligsahan). Binibigyan ng ikalawang pagkakataon ang mag-aaral kapag nakita na may igagaling pa. Sa 2nd try ko, biglang hinayaan ko ang sarili at bumitaw ng malayang pananalita. Parang nasa back seat ang aking mata at tenga, tila may ibang nagkontrol sa akin sa pagkakataon na yun.

May isa pa akong bigkas, noon nasa 4-I na ako. Inaasar ko kasi si Kyle sa aking tula - diyos ng kadiliman. Matapos ko banggitin ang linyang iyon, bigla akong natawa. Sobrang pinilit ko na huminto: tumalikod, yinuko ang ulo at kinalabog ang dibdib, subalit wala talaga. Naubos ang isang minuto ko sa katatawa. Memorable.

Natutuwa ako sa ganitong pagsasanay. Hindi kakaiba, at 'di rin kumplikado. Nasa tao na kasi ang paghahanda at pagdadala. Sa bawat kilos, marami ang maihahayag at maabot, at tandaan, sa silid pa lamang iyon.

Ilalathala ko yung piyesa, marka o mga bagay na may ugnay sa bigkas...kapag mahanap ko.

Kung may BIGKAS, may tinatawag na SULAT din.
Ang bigkas may exam: BigXam
Ang sulat may exam: SExam
Ateneo pa rin!


No comments:

Post a Comment