Matyag
Mala-pelikulang panimula ang silid na iyon buhat ng buwan na hinaharap ang araw,
subalit may taglay na sariling kinang ang makalangit na anyo.
Daliaang nagiging obserbatoryo ang silid sa paglilipat-lipat ng mga tala,
at ako'y nahihigop ng mga Venus sa dakong mas mararamdaman ang kirot at init.
Sa paglipat niya, minasid-masid ko ang kapaligiran,
naghahanap ng malapit-lapit na upuan.
Napalayo ang tingin,
at bumagsak lang din naman sa pwestong pinapansin-pansin.
Mahinahong lumugar kahit na may pagkasikip sa lugar,
panibagong pakiramdam na naghuhudyat ng bagong lunan.
Hindi mapakali sa nasimulang gawain ang aking mga kamay,
ang nagmamanyika'y nasa lugar ng aking dugo o isipan.
Ang mga sulyap sa iba nagmumukhang nakaw na tingin,
biglang kakabahan at agad na babawiin.
Nagbabalat-kayo upang 'di masunog ang mata sa hinaharap,
at tanggap sa pagkakuntento sa banaag.
Mga tuksong liniligaw ako sa landas,
na aking sinumulang tahakin nang tapat.
Kabalintunaan o simpleng kaguluhan,
patupi-tupi sabay buklat at hindi alam ang kahihinatnan.
No comments:
Post a Comment