Hindi ako mambabatas o kasapi ng isang grupo na may linalayon na makabuluhan. Ito ang mga alituntunin para sa mas maginhawang biyahe sa loob ng pambansang sasakyan, ang dyip. Maaring maging angkop sa bus o trayk. Muli, hindi ako marunong magsulat ng batas, kaya basta ko lang ilalatag ang mga ito.
Ang isa sa mga natatanging jeep na nasakyan ko. My 2nd TD Jeep, sumunod ang TWL 314. |
Section 1. Jeepney
Para sayo 'to, jeep na hindi nakaiintindi at hindi makasusunod sa anumang batas.
1. Ang jeep, dyipni, Jeep, jitney o anumang tawag across the seas and the times, ay dapat may: katawan, apat na gulong (lima, kung may kunwaring spare tire sa tabi ng drayber), salamin, upuan, plaka, preno, lalagyanan ng barya, destination cards at gasolina. Kawalan ng isa sa mga nito ay magpapasawalang tawag sa sakay mo bilang pambansang tagahatid.
2. Maaring lagyan ng spare parts ang jeep. Halimbawa ng mga ito ay: radio boom boom, flash drive o cd player, basurahan, bling blings, mga quotes na hindi lagi kailangang magkatugma bawat linya, pan'abla sa ulan, mga imahe ng mga santo, dibuho sa katawan ng halo-halong anime at zodiac signs, sticker ng samahan o ng LTO, at ang backrest ni manong na yari sa kawayan o wooden beads.
3. Ang kayang maisakay ng jeep ay hindi bababa sa 14 ('di kasama ang nagmamaneho). Sayang kasi kapag pangtatluhan lang ito, gaya ng kanyang older version. Wala namang hangganan, basta makakapag U-turn ng maayos at mabilis.
4. Wala dapat harang sa anyo ng grills, school bus na magiging tawag sayo. Walang pinto, kun'di alyas Family Van ka na. Walang pasaherong nakakulay bughaw o plaka na may nakalagay na TD/NSTP, kasi hindi ka pwede magsakay at malamang papunta ka sa lugar na dinadaos ang isang community service.
5. May hawakan para sa panloob na pasahero, hawakan pang-sabit at hawakan para madaling makasakay ang nasa harapan.
6. Ayos lang na butas ang sahig, para makita ng mga nasa gitna kung binabaha o hindi.
7. Kung may aircon at sarado ang jeep, ibang antas na yun. Hindi pa ako babad doon.
8. Kung pinaandar ng kuryente at makupad ang takbo, saka nalang magpakta. Kapag de-kalesa, bumalik nalang sa lumang panahon.
Section 2. The Passenger
Skills at brains. Diskarte at utak. Dito lang dapat iikot ang pagpapasiya sa mga kilos sa loob at labas ng jeep.
Pagsakay
1. Kung may tamang sakayan, doon maghintay. Kung malabo ang lugar na ito, mag-abang sa lugar na hindi nakaaantala sa kapwa nag-aabang at kalakhan ng saksakyan sa Metro. Huwag masyado sakupin ang daan, para banayad ang daloy ng trapiko.
2. Bigyan galang ang mga naunang dumating kung pareho ang sasakyan niyo. Kung hindi mo alam kung nauna ba siya o hindi, ituring mo nalang ang sarili mo na pinakahuli. Lumugar ka sa maaring makita mo ang lahat ng bagong dating, o magmukhang nakapila ka para ipahiwatig na ang nasa harap mo ay mga nauna.
3. Gawing malinaw ang pagtawag sa jeep. Halos pareho ang galaw ng kamay sa pagtawag ng jeep, taxi at minsan tricycle. Hindi ko pa ito napagmamasdan, pero tingin ko parallel to the ground kapag jeep, at pababa ang turo pagdating sa fx at taxi.
4. Huwag ka pumura kung hindi ka handang sumakay sa isang masikip na jeep. Bago ka sumakay, tignan mo muna kung may bababa at kung saan ka maaring maupo (minsan gagalaw pa ang mga tao sa loob para umurong palapit sa labasan). Hayaang bumaba ang mga pasahero, bago ka umakyat. Onting galang naman at 'wag salubungin.
5. Kung baguhan at hindi mo pa kabisado ang pupuntahan pero may palagay ka, tanungin mo muna ang drayber bago sumakay.
6. Siguraduhin mo wala kang naiwan sa bahay o sa kasama mo bago sumakay. Siguraduhin na walang makukupit na gamit habang sumasakay.
7. Boxing out. Walang tulakan at dapat nadadaan sa pagpwesto na katawan tungo sa "pinto". Humaharap ang itaas na katawan mo para harangin ang nasa likod o tabi mo. Kapag sagad na, atras ka muna kasi baka may bumababa pang kapwa hindi makasasakay.
8. Alagaan ang damit nang hindi masilipan at hindi makapagdulot ng bangungot sa umaga at gabing biyahe. Iwasang sumabit ang mga gamit. Kung naka-backpack, tanggalin sa likod at pansamantalang ilagay sa harapan para hindi abala habang naghahanap ng mauupuan.
9. Madalas humihinto ang jeep kahit hindi mo naman tinawag. Tumingin sa malayong lugar para hindi maisip ng drayber na sasakay ka. Huwag din maglakad papunta sa direksyon ng jeep na may tulin kasi iisipin na hinahabol mo ang sasakyan.
10. Kumapit nang di mahulog. Iwasan mo ang paa at sapatos ng mga taoo, at umupo ka kaagad.
Pagbaba
1. Alamin mo kung saan ka dapat bumababa. Bago pumunta, magGoogle maps ka muna at maghanap ng mga palatandaan. Sumilisilip sa labas para malaman mo kung saang lapalop ng mundo ka lumalakbay. Mainam na maupo sa harapan para pwede ka magtanong sa drayber. Ayos lang din na magtanong sa mga katabi, at tandaan na maging magalang.
2. Ayusing ang pagpara. Pinakaangkop ang boses na malinaw at malakas dahil gusto mo maintindihan ng lahat ng gusto mo bumaba. Boses muna bago pitikin ang mga daliri sa bubong. Tignan lagi ang drayber at pagmasdan ang bilis ng jeep para malaman kung humihinto na. Huwag makulit kasi hindi instant ang pagpara, kailangan hanapin ang tamang babaan at dahang-dahan ang pagpreno.
3. Sa panahon na mabilis ang takbo ng jeep, tantiyahin kung kailan sasabihin ang magic words.
4. Maging mapagmasid sa kapaligiran, ang trapik. Kapag nakahinto na ang jeep at malapit ang bababaan, huwag mo na hintayin na umandar pa ito. Minsan hindi kailangan sulitin ang bayad, at okay lang naman din ang konting lakad.
5. Minsan hindi automatic ang pagpara ng jeep, kaya maging listo dito.
Pagbayad
1. Pakiramdaman ang drayber at kapwa pasahero. Una sa lahat, dahan-dahan ang pagbigay ng bayad sa drayber. Minsan wala siyang kundoktor pero dalawa lang po ang kamay niya, at yung isa ay nasa manibela. Makikita naman kasi na inaasikaso niya ang Php 50 bill o ang paghihiwalay ng iba't ibang barya. Hindi masaya at totoong mahirap magsukli kung tuloy-tuloy ang pagbabayad ng mga pasahero. Tandaan, nagmamaneho ang drayber. Para sa kapwa pasahero, maging wais sa pag-abot ng bayad. Kung kayang masuklian ng pera mo ng ibang tao ang buo ng isa, gawin mo na ito bago makarating sa paroroonan. Abala pa sa lahat ng taong madadaanan nito. Kung buo ang pera, ihuli na ito para hindi maguluhan at para may panukli ang drayber. Matutong maghintay.
2. Huwag maging sanhi ng sakit sa ulo. Hindi dapat magbayad ng 200, 500, at 1000 sa jeep. Mainam na magbayad ng saktong halaga para wala nang usap-usap.
3. Patagalin ang kamay sa pagsalo ng drayber para makahabol ang katabi mo na mag-aabot din ng barya.
4. Huwag bastos. Iaabot ang bayad kapag padaan sayo ito. Kung gusto mo matulog, doon ka sa dulo. Kung gusto mo magearphones at bingi-bingihan, magtaxi o magbus. Kahit matanda dapat nag-aabot ng bayad, mga bata lang ang excused dito.
5. Magbayad. Huwag kalimutan.
6. Magbayad kaagad, o tuwing nakahinto ang sasakyan.
7. Bilangin ang sukli at ibalik kung sobra.
8. Mabuti na ang maraming kamay kaysa wala! Minsan nagmumukhang tanga ang nagbabayad at ang dapat mag-aboy ng bayad dahil dito.
Pag-upo
1. Galang.
2. Listo.
3. Kailangan lang umabante ang naunang nakaupo kung ang dumating ay buntis, matanda o bata.
4. Hindi po uso ang naka-kuadrado sa jeep, pati na rin ang upong buntis.
5. Madalas na umuurong palapit sa pinto ang mga pasahero kapag may bagong baba o kapag may sasakay. Gawin ito bago pa may sumakay na tao, para hindi magmukhang bastos ang ginagawa mo kung nakapili na ang tao ng pwesto (tapos bigla kang uusog dun pala).
Pagsasalita
1. May pakialam ang mga tao sa paligid mo sa lakas na boses at pinag-uusapan. Ingat lang.
2. Kapag may mga bata, iwasan ang magmura at iba pang hindi pa dapat nila matutunan.
3. Katanggap-tanggap na malakas ang boses niyo kapag hindi kayo kukulang sa apat at nasa magkabilang upuan. Kung mag-isa ka lang at nasa cellphone ka nakikipag-usap, tone down the volume.
4. Huwag magsalita ng mag-isa, dadami ang tingin sayo.
Pag-uugali
1. Magtapon sa basurahan at huwag sa jeep. Hindi din basurahan ang labas.
2. Huwag tumingin salungat ng iyong katabi. Awkward kasi.
3. Huwag mag-makeup at iba pang pag-aayos na pwede naman gawin sa bahay.
4. Matuto gamitin ang hawakan sa bubong para hindi maging palaman ang mga katabi.
5. Sa mahahaba ang buhok, alalayan na hindi ito makagagambala sa katabi. Sa mahaba ang buhok sa kilikili, magsuot ng may manggas.
6. Maging listo ka din para tulungan ang kapwa mo na gusto magbayad, magpara at sumakay. Minsan kailangan ikaw ang makiusap na magpaayos ng upo sa iba, lalo na kung nahihiya o hindi naman nakikita ng bagong sakay na may maluwag na lugar pa.
7. Tulungan ang drayber kapag umuulan.
SA SUSUNOD NA KABANATA
Section 3. Ang Drayber
Section 3. Ang Drayber
Section 4. Ang Iba Pa
Section 5. Ang tunay na batas
Section 6. At Iba Pa
No comments:
Post a Comment